
Inanunsyo ni Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr. sa kanyang inilabas na advisory na magbubukas na sa Lunes para sa publiko ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay nito, binanggit ni Bantug na nasa 61 seats o slots ang kanilang ibibigay sa publiko kada araw.
Ang pagpapasok naman sa mga nais na mapanood ito sa Senado ay magiging ‘first-come, first-served basis’ na ibabase sa kanilang gagawing pagrerehistro sa Senate Visitor Management System.
Kaya para makapagrehistro ay kailangan lang bisitahin ng sinumang interesado ang VMS o https://vms.senate.gov.ph o i-scan ang QR na nakalagay sa dokumentong inilabas ni Bantug.
Pagkapasok sa portal na ito, kinakailangan lang sagutin ng bawat indibidwal ang kanilang preferred date para sa trial at ipasa ang mga dokumentong hinihiling.
Ang naturang registration ay mabubuksan ng alas dos ng hapon, isang araw bago ang nakatakdang iskedyul ng paglilitis.
Ang sinumang first 61 na makakapagrehistro rito ay makakatanggap ng QR code na magsisilbi nilang entry pass sa Senate Session Hall.
Sa huli, inaasahan naman ang bawat isa na panatilihin ang tamang asal at sundin ang lahat ng alintuntunin habang nasa loob ng Senado.










