
Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Sherwin Gatchalian kaugnay ng patuloy na mga insidente ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA), na aniya’y tila nagiging pugad na ng mga lumalabag sa batas sa halip na humubog ng mga tagapagpatupad nito.
Kinondena ni Gatchalian ang pinakahuling umano’y hazing incident kung saan tatlong kadete ang inaresto dahil sa pananakit sa mahigit 20 nilang underclassmen.
Binigyang-diin ng senador, lubhang nakababahala at hindi katanggap-tanggap ang ganitong mga pangyayari.
Ayon sa kanya dapat na mapanagot ang mga mapapatunayang responsable sa ilalim ng Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018.
Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), naganap ang insidente sa barracks ng akademya sa Camp General Mariano Castañeda at nadiskubre noong madaling araw ng Abril 3.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-4A), ang tatlong kadete na pawang mga second-year students ay inaresto noong gabi ng Abril 7.
Tinatayang hindi bababa sa 22 plebo ang mga naging biktima.
Napag-alaman na nagtamo ng paso at iba pang sugat ang mga biktima matapos silang malantad sa pinaghalong drain cleaner at muriatic acid.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang hazing matapos sisihin ang mga plebo sa isang isyu na may kinalaman sa kadete na nais mag-resign, na nauwi sa pagpaparusa sa kanila.
Sa kasalukuyan, nahaharap ang tatlong sangkot sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Act at maaari ring matanggal sa PNPA.
Iniimbestigahan din ang pitong iba pang hindi pa nakikilalang indibidwal upang matukoy ang kanilang partisipasyon, habang ang tactical officer na naka-assign noong panahong iyon ay inalis na sa kanyang puwesto.
Samantala, patuloy na binibigyan ng medikal at psychological ang mga biktima ng insidente.










