TUGUEGARAO CITY-Unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga Ivatan lalo na ang mga nakatira sa bayan ng Itbayat matapos ang naranasang magkasunod na lindol nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay Roldan Esdicul ang head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Batanes, mula sa kabuuang 805 na pamilya na lumipat sa evacuation center matapos ang lindol, 266 na lamang ang naiiwan sa tent plaza.

Aniya, karamihan umano sa mga nasa evacuation center ay totally damaged ang kanilang bahay kung kaya’t wala nang babalikan.

Dahil dito, sinabi ni Esdicul na ang kanilang pangunahing tinututukan sa ngayon, ay kung paano makapagpatayo ng pansamantalang tirahan para sa ang mga nasabing pamilya lalo na at nakakaranas na ng pag-uulan.

Samantala, sinabi ni Esdicul na pansamantang naantala ang pagdating mga relief goods sa lugar dahil sa nararanasang sama ng panahon kung saan hindi makabiyahe ang mga bangka.

-- ADVERTISEMENT --

Ngunit, sapat naman umano ang mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuees sa lugar, maging ang mga gamot na naipapamahagi sa mga nagkakasakit.

Kaugnay nito, nanawagan si Esdicul sa mga nais magbahagi ng tulong na kung maari ay huwag na munang pumunta sa bayan ng Itbayat dahil sa pangamba ng aftershocks.

Aniya, sisiguraduhin ng kanilang tanggapan na maipapaabot ang kanilang mga tulong sa mga Ivatan.

Inihayag din ni Esdicol na maaring sa Lunes ay muling papasok na ang mga kabataan sa mga paaralan.

Aniya, bagamat nasira rin ng lindol ang kanilang paaralan, magpapatayo umano ang kanilang hanay ng tent na siyang gagamitin bilang pansamantalang classroom.