
Nangako ang state witness na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara na ibabalik ang kabuuang P300 milyon sa pamahalaan hanggang 2027 kapalit ng kanyang pagsali sa Witness Protection Program.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan Fourth Division kaugnay ng kasong graft laban kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. at iba pa, sinabi ni Alcantara na bahagi ng kanyang kasunduan ang unti-unting pagbabalik ng naturang halaga na kaugnay umano ng flood control fund anomaly sa Bulacan.
Ayon kay Alcantara, nakapagbalik na siya ng P181 milyon at nangako pang magbabayad ng karagdagang P25 milyon sa Setyembre ngayong taon, habang target na mabuo ang buong halaga pagsapit ng 2027.
Sa pagdinig, kinuwestyon din ng korte ang kanyang financial declaration matapos lumabas ang umano’y discrepancy sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth, na inamin naman ni Alcantara.
Patuloy ang paglilitis sa kasong may kinalaman sa umano’y ghost flood control project na umaabot sa mahigit P92 milyon.










