Posibleng ipagpaliban ng Senate impeachment court ang nakatakdang botohan bukas, Setyembre 23, kung hihiling ang ilang senator-judge ng karagdagang panahon para pag-aralan ang usapin sa conviction threshold.

Ayon kay court spokesperson Regie Tongol, may ilang senador na nais munang suriin ang mga posibleng bagong argumento sa oral arguments bago bumoto.

Nakatakda bukas ang oral arguments kaugnay ng tanong kung kailangan ba ang 16 na boto para mahatulan sa impeachment case si Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Tongol na posibleng mailipat ang botohan sa ibang araw sa susunod na linggo kung kakailanganin ng mga senator-judge ng dagdag na panahon.

Apat na dating mahistrado ng Korte Suprema ang inimbitahang magbigay ng opinyon bilang amici curiae.

-- ADVERTISEMENT --

Tatlo sa kanila ang nagsabing hindi dapat ituring na nakapirming 16 boto ang conviction threshold, habang si retired Associate Justice Adolf Azcuna lamang ang nagpahayag na dapat panatilihin ang 16-vote requirement.