Nag-utos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng preemptive evacuation sa mga residenteng nakatira sa high-risk areas bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super Typhoon Bavi.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensya na tiyaking handa at ligtas ang mga evacuation center, magtalaga ng livestock evacuation areas, at tukuyin ang mga alternatibong ruta para sa mabilis na paglikas.

Kasama rin sa direktiba ang pagpapatupad ng sea travel bans, inspeksyon sa mga kritikal na imprastruktura, maagang paghatid ng tulong sa mga bulnerableng sektor, at pagbabantay laban sa mga sakit na maaaring idulot ng pagbaha.

Inatasan din ang NDRRMC at mga regional counterpart nito na magsagawa ng pre-disaster risk assessment, maglabas ng mga babala, palakasin ang information campaign, at mag-pre-position ng rescue teams, relief goods, at iba pang mahahalagang suplay.

Ayon kay Castro, bahagi ito ng whole-of-government approach ng administrasyon upang matiyak ang maagap na pagtugon sa banta ng bagyo.

-- ADVERTISEMENT --