
Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang suspek sa pamamaril sa loob ng isang residential condominium complex sa Parañaque City na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng apat na iba pa noong gabi ng March 4.
Maaalalang naaresto ang 59-anyos na suspek maga-alas-9 ng gabi kagabi, March 6 sa loob ng isang condominium unit sa Barangay Moonwalk, Parañaque.
Narekober mula sa suspek ang dalawang baril, apat na magazine at mga bala na kasalukuyang sumasailalim sa ballistic examination bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng pulisya.
Kabilang sa mga kasong isasampa laban sa suspek ang 2 counts ng murder, 4 counts ng frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman din ng mga awtoridad na may nakabinbin na warrant of arrest ang suspek kaugnay ng isang kaso ng homicide noong 2012 sa Taguig City.
Lumabas sa records na naglabas ng warrant ang Regional Trial Court noong June 2023.
Ayon kay NCRPO Regional Director MGen. Anthony Aberin, isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen ay ang dati nang alitan ng suspek at ng isa sa mga biktima na una nitong binaril.
Batay sa imbestigasyon, dalawang beses na umanong nagreklamo ang suspek at umakyat sa unit ng biktima dahil sa umano’y pagiging maingay.
Samantala, napag-alaman din na may lisensya ang dalawang baril na narekober sa suspek, isang 9mm pistol at isang shotgun ngunit bahagi pa rin ng imbestigasyon kung paano siya nakakuha ng lisensiya sa kabila ng una niyang kinakaharap na kaso.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanap ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.










