Sugatan ang tatlong indibidwal matapos mabangga ng isang van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa bayan ng Sta.Ana Cagayan.
Kinilala ni PMAJ Ranulfo Gabatin ang mga biktima na sina Alyas RJ, 47 anyos, Alyas Cam, 33 anyos at isang bata na isang taong gulang pa lamang na pawang mga residente sa nasabing bayan habang ang suspect naman ay si Alyas Berto,35 anyos at residenteng Barangay Batangan, Gonzaga, Cagayan.
Lumalabas sa imbestigasyon na pareho aniyang binabaybay ng biktima at suspect ang parehong direksyon na pawang mamimili sana ng mga paninda kasama ang mga pasahero ng van.
Paliwanag ng suspect, nasilaw umano ito sa kasalubong na sasakyan dahilan upang mabangga niya ang kasunod nitong motorsiklo na minamaneho naman ng biktima.
Agad dinala sa pagamutan ang mga biktima matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Sa ngayon ay nakalabas na ng ospital ang mga biktima at nasa maayos na rin na kalagayan.