Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang pulis sa magkahiwalay na aksidente sa lansangan sa Bukidnon at South Cotabato.
Namatay ang pulis na si Police Corporal Windyl Jay Camay matapos na bumangga ang kanyang sasakyan sa isang punong-kahoy sa bayan ng Maramang, Bukidnon.
Ayon sa pulisya, patungo si Camay sa bayan ng Don Carlos nang mawalan umano siya ng kontrol sa manebela sa pababang bahagi ng lansangan na bunsod ng aksidente.
Dinala siya sa ospital subalit binawian siya ng buhay matapos ang ilang oras dahil sa tinamong pinsala sa katawan.
Samantala, patay naman ang dalawang katao matapos na bumangga ang kanilang sinakyang motorsiklo sa isang minivan sa Polomolok, South Cotabato.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang minivan mula sa General Santos City nang mabangga ito ng isang motorsiklo habang papaliko ang driver ng van sa isang crossing sa national highway sa Barangay Magsaysay.
Nagawang makaiwas sa banggaan ang dalawang motorsiklo, subalit nabangga ng ikatlong motorsiklo ang kanang bahagi ng minivan.
Dead on the spot ang ang driver ng motorsiklo habang ang kanyang kasama na isang lalaki ay namatay matapos ang ilang oras sa ospital.
Sinabi ng mga awtoridad na sumabog ang motorsiklo ng dalawang biktima pagkatapos ng banggaan.