
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo sa nangyaring pamamaril sa Barangay Centro Lal-llo, Cagayan noong araw ng Sabado, May 23, 2025.
Tatlong katao ang namatay sa nasabing insidente
Batay sa report, matapos barilin ng itinuturong suspek na itinago sa pangalang Andy, 67-anyos, may-asawa, at residente ng Barangay Centro ang mga biktimang itinago sa pangalang Anie, 43-anyos, at Roy, 44-anyos, kapwa mga residente ng Brgy. Cabayabasan, Lal-Lo ay agad din itong nagbaril sa sarili.
Una umanong nakarinig ang mga concerned citizen ng magkakasunod na putok ng baril sa loob ng bahay ng suspek kung saan naroon ang dalawang biktima kaya’t mabilis na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Nabatid na sa pagresponde ng mga pulis ay sinubukan pang kumbinsihin ang suspek upang sumuko nguni’t muli silang nakarinig ng putok ng baril kaya’t agad na ring pinasok ang loob ng bahay.
Nang mapasok ang bahay ay tumambad sa kanila ang katawan ng tatlo na wala nang buhay.
Sa ngayon, hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa likod ng krimen at nagpapatuloy umano ang imbestigasyon sa insidente.