Target simulan sa susunod na taon ang tatlong-taong archaeological research project na naglalayong punan ang mga puwang sa kasaysayan ng prehistoric research sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Dr. Mylene Quinto Lising, project director ng nasabing proyekto, pangunahing layunin nito na maisama ang mga lokal na educational institutions at mga ahensya ng pamahalaan sa pananaliksik.

Itoy upang mapaunlad ang kaalaman ng mga lokal na estudyante at researcher sa pamamagitan ng pagsasama sa kanila sa mga aktwal na archaeological research at publication ng mga artikulo tungkol sa mayamang kasaysayan ng Cagayan.

Sinabi ni Lising, nagkaroon na ng unang scientific seminar workshop na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa ibat ibang paaralan at lokal na pamahalaan sa lalawigan.

Kabilang sa mga target na lugar para sa archaeological research ang bayan ng Sto Niño, Baggao, at Tuao dahil sa mga potensyal nitong archaeological materials.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Dr. Lising na mahalaga ang proyektong ito upang punan ang puwang sa kasaysayan partikular na ang panahon sa pagitan ng 130,000 hanggang 709,000 taon na may ebidensya ng sinaunang tao sa lalawigan.