
Pinuri ni House Committee on Higher and Technical Education Chair Rep. Jude Acidre ang paglulunsad ng “TESDA Skills Passport,” na isang makabagong reporma para sa technical and vocational education and training (TVET) sa bansa.
Ayon kay Acidre, tugon ito sa mga kahinaang natukoy ng EDCOM II, partikular ang “skills mismatch” at underemployment.
Sa pamamagitan ng Skills Passport, maaaring itala ng mga manggagawa ang kanilang training records, National Certificates, at competencies sa isang secure digital platform, na nagbibigay rin ng access sa scholarship at job matching.
Binanggit ni Acidre ang ilang pangunahing benepisyo tulad ng pagtaas ng employment rate ng TVET graduates mula 37% hanggang 58% matapos ang training, pagsiguro ng industry-aligned na sertipikasyon, at pagkilala ng TVET bilang respetadong landas patungo sa disenteng trabaho.
Kasabay nito, isinusulong niya ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act upang mas mapatibay ang koordinasyon ng paaralan at kumpanya para sa apprenticeship at upskilling.










