Naaresto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) kasama ang pito pa nitong kasamahan sa isinagawang law enforcement operation ng Philippine Army sa Agusan del Sur noong Hunyo 13.

Ayon kay Colonel John Paul Solgado, hepe ng Combined Joint Information Bureau ng Exercise Balikatan, isinagawa ang operasyon ng 10th Infantry Division ng Philippine Army bilang bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa rebelyon.

Dahil dito, umabot na sa 44 ang kabuuang bilang ng mga naaresto mula Enero 1 hanggang Hunyo 12 ngayong taon, batay sa datos ng AFP.

Samantala, isa namang hinihinalang miyembro ng NPA ang napatay sa isang 15 minutong sagupaan sa pagitan ng mga natitirang miyembro ng armadong grupo at tropa ng pamahalaan sa Barangay Pinanag-an, Borongan, Eastern Samar noong Hunyo 15.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nag-ugat ang engkwentro mula sa sumbong ng mga sibilyan hinggil sa umano’y pangingikil ng mga rebelde sa lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang naiulat ang isang 30-minutong labanan sa pagitan ng humigit-kumulang 30 NPA members at mga tropa ng 8th Infantry Division sa Barangay Can-aponte, San Jose de Buan, Samar noong Hunyo 9.

Batay sa ulat ng AFP, patuloy na humihina ang puwersa ng komunistang kilusan sa bansa.

Sa loob ng unang anim na buwan ng 2025, 776 ang boluntaryong sumuko, 44 ang napatay, at 419 armas, 257 anti-personnel mines, at 80 kampo ang nakumpiska.