Binawian na ng buhay ang isang tricycle driver nang salpukin ng toyota wigo ang minamaneho nitong tricycle sa lungsod ng Tuguegarao.
Kinilala ang nasawi na si Richard Banan, 40-anyos, habang sugatan ang kanyang kasama na si Dante Talang, 43-anyos, kapwa residente sa Barangay Alimannao, Peñablanca.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis na binabaybay ni Nathaniel Banatao, 27-anyos, residente ng Barangay Nattanzan, Iguig ang kahabaan ng Barangay Pengue nitong Sabado ng gabi nang salpukin nito ang papalikong tricycle.
Dahil sa tindi ng pagkabangga, tumilapon ang dalawang biktima at nagkayupi-yupi ang tricycle, habang naipit naman sa kanyang sasakyan si Banatao na nagtamo rin ng sugat at nagpapagaling na sa pagamutan.
Nabatid na pawang nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang tatlo habang papauwi na ang dalawang biktima galing sa isang restaurant sa Barangay Pengue nang mangyari ang aksidente.