
Binanatan ni US President Donald Trump si Italian Prime Minister Giorgia Meloni matapos nitong tumangging tumulong sa Estados Unidos kaugnay ng tensyon sa Iran, sa gitna ng lumalalim na sigalot sa pagitan ng dalawang dating magkaalyadong lider.
Sa pahayag ni Trump habang dumadalo sa NATO Summit sa Ankara, sinabi niyang mabuting tao si Meloni ngunit nagkamali umano ito nang hindi makiisa sa isyu ng Iran.
Ayon kay Trump, lumamig ang kanilang relasyon matapos umanong tumanggi si Meloni na tumulong sa Amerika sa usapin ng Iran.
Ang pahayag ay kasunod ng serye ng kanilang palitan ng batikos nitong mga nakaraang linggo, kabilang ang naging pagtanggi ni Meloni sa pahayag ni Trump na umano’y nakiusap itong magpa-picture sa kanya sa G7 Summit sa France.
Nauna ring pinuna ni Meloni si Trump dahil sa pagbatikos nito kay Pope Leo matapos kondenahin ng Santo Papa ang digmaan sa Iran.
Samantala, nanindigan ang pamahalaan ng Italya na hindi na nito papatulan ang mga pahayag ni Trump upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kabila nito, inaasahang magkikita pa rin sina Trump at Meloni sa sidelines ng NATO Summit, kung saan ayon sa isang source mula sa opisina ng punong ministro, sasalubungin niya ang US president nang may ngiti sa halip na patulan ang mga batikos nito.










