Nagbanta si U.S. President Donald Trump ng panibagong pag-atake sa Kharg Island ng Iran, isang pangunahing oil export hub ng bansa, habang hinihikayat ang mga kaalyado ng Estados Unidos na magpadala ng mga barkong pandigma upang bantayan ang Strait of Hormuz.

Ayon kay Trump, “lubusang nawasak” ng mga naunang airstrike ng U.S. ang malaking bahagi ng Kharg Island at maaari pang masundan ito ng panibagong pag-atake.

Nauna nang sinabi ng pangulo na mga military target lamang ang pinuntirya ng U.S. sa lugar, ngunit ang pinakahuling pahayag ay nagpapakita ng mas matinding paninindigan ng Washington laban sa Tehran.

Sa kabila nito, sinabi ni Trump na tila handa ang Iran na makipagkasundo upang wakasan ang labanan, ngunit hindi pa umano sapat ang mga kundisyong inilalatag sa negosasyon.

Samantala, nanindigan ang Iran na paiigtingin nito ang kanilang tugon sa mga pag-atake ng U.S., habang patuloy ang tensyon sa rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

Isa sa pinakamalaking hamon sa Estados Unidos at mga kaalyado nito ang posibleng pagharang ng Iran sa mga barko sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis at gas.

Dahil sa patuloy na digmaan sa rehiyon, mabilis ding tumataas ang presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.