Inihayag ni US President Donald Trump na tinapos na ng Estados Unidos ang digmaan sa Iran ngayong araw, matapos igiit na nagkasundo ang dalawang panig sa isang “very strong memorandum of understanding” upang tuluyang itigil ang labanan.

Ginawa ni Trump ang pahayag sa isang telerally para sa pagsuporta kay Georgia Lt. Governor Burt Jones, na kasalukuyang tumatakbo bilang gobernador.

Ayon sa pangulo ng Amerika, pormal na sumang-ayon ang Iran na hindi na magkakaroon ng nuclear weapon, isang pangunahing kondisyon na kaniya umanong iginiit at siyang pinaka-layunin ng operasyon.

Ang anunsiyo ay kasunod ng pagkansela ng US sa mga nakatakda sanang airstrike sa Iran nitong umaga ng Biyernes. Ginawa ang pagkansela matapos ipahiwatig ng White House na plantsado na ang kasunduan, bagamat hindi pa idinidetalye ang buong mga kondisyon nito.

Gayunpaman, tila taliwas naman ito sa panig ng Iran. Ayon sa Foreign Ministry Spokesperson ng bansa, wala pang pinal na desisyon ukol sa anumang kasunduan at ang mga kumakalat na balita ay maituturing pa lamang na espekulasyon.

-- ADVERTISEMENT --