Inihayag ni US President Donald Trump na ipinagpaliban niya ang planong pag-atake laban sa Iran, sa kundisyong mabilis na makabuo ng kasunduan ang magkabilang panig.

Ayon kay Trump, hiniling umano ng Iran at ilang bansa sa Gitnang Silangan na bigyan muna ng pagkakataon ang diplomasya dahil mayroon nang mga paunang napagkasunduan para sa isang posibleng kasunduan.

Nauna rito, lumabas ang mga ulat na naghahanda ang Estados Unidos at Israel ng malawakang pag-atake sa energy infrastructure ng Iran.

Kasabay nito, nagbabala ang pamahalaan ng Estados Unidos sa mga mamamayan nito sa Gitnang Silangan na maging handa sa posibleng paglala ng sitwasyon at anumang aberya sa paglalakbay.

Samantala, sinabi ni Acting Defense Minister Majid Ibn al-Reza ng Iran na itinuturing ng Tehran na seryoso at kapani-paniwala ang lahat ng banta mula sa kanilang mga kalaban at iginiit na hindi sila magpapabaya o mananatiling walang tugon sa anumang posibleng pag-atake.

-- ADVERTISEMENT --

Wala pa namang opisyal na kumpirmasyon mula sa Iran hinggil sa sinasabing panibagong usapang pangkapayapaan o sa anumang kasunduang binanggit ni Trump.