Naglunsad ang Iran ng mga pag-atake laban sa mga base militar ng Estados Unidos sa Jordan at iba pang lokasyon sa Gulf region bilang ganti sa mga airstrike ng U.S. malapit sa Strait of Hormuz.

Ayon sa Revolutionary Guards ng Iran, tinarget nila ang mahigit dalawampung pasilidad kabilang ang mga base ng Amerika sa Jordan, Kuwait, at Bahrain gamit ang mga missile at drone. Sinabi naman ng militar ng Jordan na nasabat at napabagsak nila ang ilang missile bago pa man makarating sa target.

Nauna rito, iniutos ni U.S. President Donald Trump ang pag-atake sa mga pasilidad ng depensa at radar ng Iran matapos pabagsakin umano ng Iranian drone ang isang Apache helicopter ng U.S. malapit sa Hormuz.

Ayon sa mga opisyal ng Amerika, halos lahat ng missile at drone na pinakawalan ng Iran ay naharang at wala pang naitatalang nasawi o nasugatang tropang Amerikano.

Ang panibagong sagupaan ay nagpalalim sa tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos at nagdulot ng panibagong pangamba sa seguridad ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng langis at gas. Nagtaas din ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado kasunod ng mga pag-atake.

-- ADVERTISEMENT --