
Tinawag ni House Lead Prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na tagumpay para sa sambayanang Pilipino ang unang araw ng impeachment trial sa Senado, matapos umusad ang proseso ng pananagutan na itinakda sa ilalim ng Konstitusyon.
Sa isinagawang press conference matapos ang unang araw ng paglilitis, sinabi ni Luistro na mahalagang hakbang ang pagbubukas ng impeachment trial dahil naipatutupad na ang mekanismo ng pananagutan na nakasaad sa Saligang Batas.
Ayon sa kanya, kapwa naihayag ng prosekusyon at depensa ang kanilang opening statements at natalakay rin ang mga isyung inilatag sa pre-trial conference.
Sinabi rin ni Luistro na sisimulan na sa Martes ang presentasyon ng mga ebidensya ng prosekusyon.
Unang ihaharap ng prosecution panel ang ebidensya kaugnay ng unang artikulo ng impeachment na tumatalakay sa umano’y pagbabanta.
Dagdag pa niya, kinilala rin ng impeachment court ang mungkahing pagkakasunod-sunod ng prosekusyon sa paghaharap ng mga Articles of Impeachment, na magsisilbing gabay sa pag-usad ng paglilitis.










