
Nanawagan si Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas ng imbestigasyon kaugnay ng ulat ng bullying at pisikal na pang-aabuso laban sa mga estudyanteng may kapansanan.
Ayon kay Vargas, nakipag-ugnayan na siya sa Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) ng lungsod upang imbestigahan ang insidente matapos ang napaulat na pambubully sa isang 15-anyos na estudyanteng may seizure disorder.
Bumoto na rin ang city council upang magsagawa ng pormal na imbestigasyon.
Layunin aniya ng hakbang na marinig ang panig ng lahat ng stakeholders at mapanagot ang sinumang may pagkukulang o pananagutan sa insidente.
Kasabay nito, isinusulong ni Vargas ang mas mahigpit na pagpapatupad ng anti-bullying ordinance ng lungsod. Aniya, maaaring kailanganin itong repasuhin at amyendahan upang mas umangkop sa kasalukuyang panahon at maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Iminungkahi rin ng konsehal ang paglikha ng specialized reporting channels at mas mabigat na parusa laban sa mga nambubully, lalo na sa mga target ang mga estudyanteng may special needs, sa tulong ng PDAO.
Nanawagan din si Vargas sa mga school administrators at mga magulang na maging mas maagap sa pagtugon at pagre-report ng mga kaso ng bullying.
Binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng mga magulang—maging sa mga batang biktima ng bullying at sa mga batang sangkot sa pambubully—upang maagapan ang ganitong mga insidente.
Samantala, nauna nang tinalakay sa Senado ang posibilidad ng pagpapataw ng parusa sa mga magulang ng mga batang nambubully, kabilang ang community service sa mga paaralan, bilang bahagi ng pagsusuri ng pamahalaan sa mga hakbang laban sa patuloy na problema ng bullying sa bansa.




