May bisa ang isang kasunduan sa pagbebenta ng lupa kahit hindi nakasulat kung ito ay bahagya o ganap nang naipatupad.

Ito ang nakasaad sa desisyon ng Supreme Court Third Division kung saan kinatigan nito na ang berbal na pagbebenta ng lupa sa pagitan nina Marcos Batara at ng kanyang pamangkin na si Benedicto Ocampo.

Bagamat walang nakasulat na kontrata, sinabi ng Korte Suprema na may bisa ang pagbebenta dahil natanggap na ni Ocampo ang titulo ng lupa, nakalipat na siya sa ari-arian, at tinamnan na.

Nakarehistro ang lupa sa pangalan ni Batara na namatay noong 1974.

Nalaman lang ng kanyang mga anak na sina Noblesa at Ernesto ang tungkol sa ari-arian noong 2007.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatanggap sila ng notice na magbayad ng hindi pa nababayarang buwis sa real estate at nalaman din na doon nakatira ang kanilang pinsan na si Ocampo.

Sina Noblesa at Ernesto ay nagsampa ng kaso para bawiin ang lupain mula kay Ocampo at sinabing sila ang mga nararapat na tagapagmana.
Sinabi ni Ocampo na binili niya ang lupa kay Batara noong buhay pa siya.

Nang namatay si Batara, patuloy na nagbabayad si Ocampo ng hulugan kay Marcelo, kapatid ni Batara at tagapag-alaga ni Noblesa.

Inamin ni Ocampo na ang pagbebenta ay hindi napatunayan ng anumang nakasulat na dokumento dahil namatay si Batara bago pa nila maisagawa ang mga kinakailangan.

Pero iprinisenta ni Ocampo ang kopya ng titulo ng lupa bilang patunay na sinasabing ibinigay ito ni Batara sa kanya pagkatapos ng unang pagbabayad noong 1972.

Nagdesisyon pabor kina Noblesa at Ernesto ang Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) na nagsabing mas may karapatan sila sa ari-arian dahil nakarehistro ito sa pangalan ng kanilang ama.

Dagdag pa rito, walang sapat na patunay ng pagbebenta maliban sa mga pahayag ni Ocampo.

Subalit binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC at CA.

Dagdag pa ng desisyon ng Korte Suprema, ang pag-aari ng lupa at pagpapagawa ng mga pagbabago ay matibay na senyales na nagkaroon na ng verbal sale.

Kaya ang mga bumili na nakatira na sa ari-arian ay maaaring gamitin ang kasunduang berbal bilang legal na batayan sa kanilang pagmamay-ari kahit na walang nakasulat na kontrata.

Sa kasong ito, ang pagbebenta ay bahagyang naipatupad dahil bahagyang binayaran ni Ocampo ang lupa, lumipat siya rito, natanggap niya rin ang titulo ng lupa, at nagbayad din ng amilyar.

May patunay na may bentahan base sa mga testimonya ni Ocampo at ng kanyang mga testigo.

Pero sinabi ng Korte na hindi si Marcelo ang awtorisadong tumanggap ng bayad sa ngalan ng mga tagapagmana ng kanyang kapatid. Kaya kahit nananatiling wasto at may bisa ang pagbebenta, kailangang bayaran ni Ocampo ang natitirang balanse ng presyo ng pagbili na may kasamang interes kina Noblesa at Ernesto. Teresa Tavares