TUGUEGARAO CITY-Nagpapasalamat ang may-ari ng dalawang bahay na inararo ng isang bus kaninang umaga sa Barangay Libag Sur, Tuguegarao City dahil walang nasaktan sa kanila sa nasabing insidente

Batay sa imbestigasyon ng PNP, sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, information officer na bigla umanong nahilo ang driver ng Victory Liner na si Jefferson Gannaban ng Echague, Isabela kaya nawalan ng kontrol sa manibela.

Unang nasagi ng bus ang bagong gawang garahe ni Melene Narcise bago dumiretso sa garahe ni Ginoong Jose Arago.

Bahagyang nasira ang garahe ng pamilya Narcise habang bumagsak ang garahe ng pamilya Arago.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, nabagsakan ang bagong kotse ng anak ni Arago na nakaparada ng mangyari ang aksidente.

Sinabi ni Taguiam na galing ang bus sa Manila at papunta dito sa lungsod.

Ayon kay Taguiam, nagtamo ng slight injury ang driver bunsod ng insidente na ngayon ay nasa ospital at maging ng kanyang kapalit na driver subalit hindi na na pumunta sa pagamutan.

Kaugnay nito, sinabi ni Ginoong Arago na wala silang balak na magsampa ng kaso laban sa driver at maging sa bus company kung maibabalik ang danyos.

Ayon sa kanya, sa kanilang paghaharap sa barangay ng ilang personnel ng bus company ay sinabi niya na nasa mahigit sa P500, 000 ang halaga ng nasira nilang garahe.

Sinabi niya na ang kahilingan naman ng kanyang anak ay palitan ng bago ang kanyang kotse at kahit kunin ang nasira niyang sasakyan.

Ganito rin ang hiling ng pamilya Narcise sa nasagasaan ng bus na bahagi ng kanilang garahe.

Sinabi ni Arago na ipaparating umano ng mga personnel ng bus company ang kanilang demand sa kanilang opisina.

Nabatid na walong pasahero ang sakay ng nasabing bus.