Personal na nagpaliwanag kay Senator Raffy Tulfo si Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol kaugnay ng naging pahayag nito tungkol sa posibleng petsa ng paglalabas ng hatol sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Ito ay matapos sitahin ni Tulfo si Tongol dahil sa sinabi nitong posibleng makapaglabas ng verdict ang Impeachment Court pagsapit ng Disyembre 16.

Hiniling pa ni Tulfo kay Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na pagsabihan o i-admonish si Tongol dahil aniya, maaaring magmukhang inuunahan ng tagapagsalita ang mga senator-judge.

Sa kanilang pag-uusap, ipinaliwanag ni Tongol na ang Disyembre 16 ay pagtatantya lamang kung kailan posibleng makapaglabas ng hatol ang korte at hindi ito itinakdang deadline para sa Impeachment Court.

Pinayuhan naman ni Tulfo si Tongol na maging mas maingat sa mga pahayag sa media at ugaliing kumonsulta muna sa mga senator-judge bago maglabas ng impormasyon tungkol sa proseso ng impeachment.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpasalamat si Tulfo sa personal na pagpapaliwanag ni Tongol at sinabi niyang hinahangaan niya ang abogado sa kasipagan at pagtupad nito sa tungkulin.