Tinutunton ng World Health Organization (WHO) ang mahigit 80 katao na sakay ng isang flight mula Saint Helena patungong Johannesburg matapos makasama ang isang pasaherong nasawi dahil sa hantavirus.

Ayon sa WHO, nasa 82 pasahero at anim na crew ang sakay ng nasabing flight noong Abril 25, na pinatakbo ng airline na Airlink.

Kabilang sa tinututukan ang isang babaeng Dutch na ang kondisyon ay lumala habang nasa biyahe patungong Johannesburg.

Siya ay bumaba mula sa cruise ship sa Saint Helena noong Abril 24 matapos makaranas ng gastrointestinal symptoms, at kalaunan ay nasawi pagdating sa ospital kung saan siya nagpositibo sa hantavirus.

Sinabi ng WHO na sinimulan na ang contact tracing sa lahat ng pasaherong sakay ng naturang flight, habang inatasan naman ng mga awtoridad sa South Africa ang airline na abisuhan ang mga ito na makipag-ugnayan sa health department.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaghihinalaan din ng WHO ang posibleng human-to-human transmission ng hantavirus sa cruise ship na kasalukuyang nakaangkla malapit sa Cape Verde.

Bukod sa Dutch na pasahero, napaulat din ang pagkamatay ng isang German passenger, habang may pitong kumpirmado at hinihinalang kaso ng sakit.