
Tinatayang ₱20 bilyong flood control projects sa Occidental Mindoro ang nasira o gumuho matapos ang ilang linggong malalakas na pag-ulan.
Kabilang dito ang river wall sa Sablayan na gumuho sa gitna ng malakas na agos ng tubig, dahilan upang bahain ang mga kalapit na lugar at matabunan ng buhangin ang mga palayan. Ayon sa mga residente, wala pang dalawang taon mula nang makumpleto ang proyekto nang magsimula itong masira.
Ang proyekto ay isinagawa ng DPWH, habang kabilang sa mga contractor ang Sunwest Construction & Development Corporation, na iniuugnay kay dating kongresista Elizaldy “Zaldy” Co, at Great Pacific Builders and General Contractor Inc., na pag-aari nina Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya.
Sa Santa Cruz, gumuho rin ang isang seawall na itinayo noong 2023 ng kumpanyang pag-aari ng mga Discaya. Ayon sa mga lokal na opisyal, ilang beses na itong nasira at umano’y inayos ng contractor bago muling bumigay.
Naniniwala naman si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na posibleng substandard ang ginamit na materyales sa ilang proyekto.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na ipapaayos ang mga nasirang proyekto nang walang gastos sa gobyerno at pananagutin ang mga contractor na gumawa nito.










