Dalawa ang nasawi matapos matabunan ng lupa ang isang bulaluhan sa Brgy. Shilan, La Trinidad, Benguet ngayong umaga ng August 6.

Ayon kay Benguet Provincial Director Col. Dionisio Bonoy, isa pa ang nasugatan.

Nangyari ang insidente dakong alas-9 ng umaga.

Saturated na umano ang lupa dahil sa mga pag ulan kaya nagkaroon ng pagguho.

Isinugod sa Benguet General Hospital ang nakaligtas para lapatan ng agarang lunas.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpapatuloy ang clearing operations sa ilan pang kalsada sa Cordillera at Ilocos Sur dahil sa mga pagguho ng lupa bunsod ng patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng bagyong Maymay at habagat.

Ayon sa La Trinidad Municipal Police Station, sarado sa mga motorista ang Longlong Balite-Tamawan Road at Ambiong-Lubas Road dahil sa landslide debris at panganib ng panibagong pagguho.

Sa Mountain Province, iniulat ng Provincial Mobile Force Company na hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan ang bahagi ng Sitio Acadchang, Barangay Betwagan, Sadanga dahil sa patuloy na rockfalls.

Samantala, sa Suyo, Ilocos Sur, hindi rin passable ang Suyo-Sigay Road sa Sitio Ida, Barangay Patoc-ao dahil sa landslide, ayon sa Suyo Municipal Police Station.

Pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang mga apektadong kalsada at gumamit ng alternatibong ruta.