
Umabot na sa 23 katao ang nasawi dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense o OCD.
Sa tala ng OCD hanggang alas-6 ng umaga, 15 sa mga nasawi ay mula sa Benguet, habang tig-tatlo naman sa Rizal at Batangas at isa sa Quezon.
Kabilang sa mga sanhi ng pagkamatay ang pagguho ng lupa, pagkalunod, rockslide, pagbagsak ng puno at electrocution.
Samantala, 17 katao ang naiulat na nasugatan at tatlo naman ang nawawala, na pawang mula sa Batangas.
Umabot na rin sa mahigit 4.9 milyon katao o 1.4 milyong pamilya ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Nasa mahigit 9,000 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 407 evacuation centers, habang 1,845 bahay ang napinsala, kabilang ang 178 na tuluyang nawasak.
Umabot naman sa mahigit ₱689 milyon ang pinsala sa agrikultura.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, lalo na sa mga lugar na nakararanas pa rin ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.










