TUGUEGARAO CITY- Dead-on-arrival sa pagamutan ang dalawang menor-de-edad na sakay ng motorsiklo matapos bumangga sa kasalubong na 10-wheeler truck sa Brgy Aguiguican, Gattaran, Cagayan.

Ang mga biktima ay edad 14 at 16 na pauwi na sana sa kanilang bahay sa naturang barangay nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay Bryan Jay Seguro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Gattaran, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang biktima at wala rin suot na helmet.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na binabagtas ng motorsiklo ang bahagi ng pakurbadang lansangan, malapit sa tulay nang bigla umanong umagaw ng linya na dahilan ng pagbangga sa kasalubong na truck na minamaneho ni Gilbert Sallo, 38-anyos ng Brgy. Casicallan Sur, Gattaran.

Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang suspek kung saan wala pang pag-uusap na nangyari sa pagitan niya at pamilya ng dalawang biktima.

-- ADVERTISEMENT --