Natrauma at natakot ang mga residente ng Barangay Minanga, Piat, Cagayan matapos mag-amok ang isang lalaking may problema sa pag-iisip na ikinasawi ng isang senior citizen at ikinasugat ng pitong iba pa noong gabi ng Mayo 1, ngayong taon.

Kinilala ang suspek na si alyas Michael, 27-anyos, at residente ng Barangay Lipatan, Sto. Niño.

Nabatid na unang pinasok ng suspek ang bahay ng nasawing biktima na si Apolonio Balicanta, 86-anyos at tinaga ito sa ulo bago pinagtataga gamit ang isang itak ang pitong iba pa na kanyang nakasalubong.

Patuloy namang ginagamot sa ospital ang iba pang nasugatang biktima.

Kwento ng apo ng nasawing senior citizen, mag-isang naiwan ang kanyang lolo sa kanilang bahay nang mangyari ang trahedya.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa kumalat na maling impormasyon na may kasamahan umano ang suspek at posibleng maulit ang pananaga, halos wala nang pumupunta sa lamay ng biktima.

Ngunit nilinaw ni Brgy. Captain Leon Bacud na mag-isa lamang ang suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.

Patuloy naman ang pagbabantay ng barangay tanod at pulisya sa lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente matapos ang insidente.