Problema sa pag-iisip ang itinuturong dahilan sa pananaga ng isang 27-anyos na lalaki na ikinasawi ng isang indibidwal at ikinasugat ng pitong iba pa na naganap noong gabi ng Mayo 1, 2026 sa Barangay Minanga, Piat, Cagayan.

Ang suspek ay kinilala sa alyas na Michael, walang asawa at residente ng Barangay Lipatan, Sto Niño.

Ayon kay PCAPT Bernard Guya, hepe ng PNP-Piat, napag-alaman na dati na itong isinugod at nagamot sa mental hospital, ngunit hindi na naituloy ang mga check-up at naputol ang pag-inom ng kanyang maintenance na gamot na pinaniniwalaang nagtulak sa kanya upang biglaang managa gamit ang isang itak habang tumatakbo sa nasabing lugar.

Nagresulta ito sa pagkasawi ng isang indibidwal at malubhang pagkasugat ng ilan pang indibidwal na nagdulot din ng matinding takot sa mga residente at mga nakasaksi ng pangyayari.

Nabatid na ang mga biktima ay hindi personal na kakilala ng suspek at karamihan sa kanila ay mga residente ng Barangay Minanga na nasa lugar noon para dumalo sa isang salo-salo at lamay.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang isinugod ang mga nasugatan sa pinakamalapit na ospital para sa paunang lunas, habang ang mga may malulubhang sugat ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center.

Sinabi ni Guya na humingi ng paumanhin ang pamilya ng suspek sa nangyari at sinabing hindi nila nakontrol ang suspek.

Pinayuhan din ang publiko na manatiling alerto at iwasan ang pagbabahagi ng mga hindi kumpirmadong impormasyon sa social media upang hindi lalong kumalat ang takot at maling akala.

Samantala, nanawagan ang mga biktima at kanilang mga pamilya na mabigyan ng kaukulang hustisya ang nangyari.