
Kinumpirma ng militar na 20 miyembro umano ng komunistang New People’s Army (NPA), kabilang ang isang mataas na kumander at apat na kababaihan, ang nasawi sa serye ng engkuwentro laban sa mga tropa ng gobyerno sa Toboso, Negros Occidental.
Ayon kay Brig. Gen. Ted Dumusmog ng 303rd Brigade, kabilang sa napatay si Roger Fabillar o kilala rin bilang Jong Fabillar, kasama si Arnel Tapang, na pinaniniwalaang bagong kumander ng Northern Front Guerrilla force ng CPP-NPA at miyembro rin ng Regional Unit ng NPA.
Ang mga sagupaan ay kinasangkutan ng mga sundalo mula sa 79th Infantry (Masaligan) Battalion sa ilalim ng 303rd Infantry (Brown Eagle) Brigade ng 3rd Infantry Division (3ID). Nakasagupa nila ang mga hinihinalang natitirang miyembro ng Northern Negros Front, Komiteng Rehiyon-Negros (NNF, KR-N) sa Barangay Salamanca bandang alas-3:58 ng madaling araw noong Abril 19.
Ayon sa pahayag ng Philippine Army, nagtamo ng mabibigat na casualties ang CPP-NPA sa hilagang Negros matapos ang sunod-sunod na anim na engkuwentro sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Si Fabillar umano ay responsable sa pagkamatay ng ilang sibilyan sa Escalante City at Toboso, na nagdulot ng takot sa mga komunidad.
Dagdag pa ng militar, may nakalaan umanong P1 million na pabuya para sa kanya, at ang kanyang pagkakapatay ay itinuturing na malaking tagumpay sa kampanya ng gobyerno para sa kapayapaan at kaayusan sa Negros Island.
Samantala, tinatayang nasa 366 residente ang napilitang lumikas dahil sa mga labanan, ayon kay Toboso Mayor Richard Jaojoco.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Army chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete sa mga pamilya ng mga nasawi.










