Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 256 na rockfall at 41 pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” sa Mayon Volcano sa nakalipas na 24 oras.

Ayon sa PHIVOLCS, patuloy ang paglabas ng lava mula sa bunganga ng bulkan at nakikita pa rin ang crater glow kahit walang kagamitan.

Noong Sabado, umabot sa 777 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Mayon.

Namataan din ang katamtamang usok na umabot hanggang 200 metro ang taas bago tinangay ng hangin pa-hilagang-silangan.

Nanatili ring inflated ang katawan ng bulkan, palatandaan ng patuloy na aktibidad.

-- ADVERTISEMENT --

Nananatili ang Alert Level 3 (Intensified/Magmatic Unrest) sa Mayon Volcano.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagpasok nang walang sapat na pag-iingat sa Extended Danger Zone (EDZ).

Ipinagbabawal din ang paglapit ng mga sasakyang panghimpapawid sa bulkan.

Binalaan ng PHIVOLCS ang publiko sa mga posibleng panganib tulad ng rockfall, lava flow, PDCs, katamtamang pagsabog, ballistic fragments, at lahar lalo na kapag may malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.