Tatlo ang nasawi habang dalawa pa ang nasa kritikal na kalagayan matapos araruhin ng isang private van ang dalawang bahay sa gilid ng highway sa Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon nitong Sabado ng hapon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:00 ng hapon nang mangyari ang insidente habang pauwi na ang mga biktima mula sa bayan ng San Narciso.

Sa lakas ng banggaan, halos nawasak ang van at ang dalawang bahay na nasalpok nito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Efren Belagosa, 45; Florencio Lumanglas, 62; at Merelyn Lumanglas, 57.

Agad namang naisugod sa ospital ang dalawang sugatan.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kuhang video, tumilapon sa labas ng sasakyan ang mga biktima, kung saan ilan ay wala nang buhay.

Masuwerte namang walang nasaktan sa mga nakatira sa dalawang bahay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ang aksidente ay dulot ng pagkakamali ng driver o problema sa sasakyan.