Nasawi ang isang 34-anyos na ina, ang kanyang 12-anyos na anak na babae, at isang walong taong gulang na batang lalaki, matapos ang malunod sa biglaang baha na dulot ng malalakas na pag-ulan sa mga mabababang lugar sa mga bayan ng Lebak at Kalamansig sa Sultan Kudarat kahapon, Mayo 23.

Kinilala ang mag-ina na sina Maila Pulido at Mylene Pulido, mga residente ng Sitio Kitay, Barangay Salaman sa Lebak.

Ayon sa ulat ng Lebak MDRRMO, tinangkang bumalik ng mag-ina sa kanilang bakuran nang abutan sila ng rumaragasang baha at tangayin ng malalakas na agos.

Agad na rumesponde ang mga medic ngunit hindi na naisalba ang mag-ina.

Nangako ang mga lokal na opisyal na tutulong sa pag-aasikaso ng kanilang libing.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, inulat din ng isang provincial disaster officer ng Sultan Kudarat, na nalunod din ang walong taong gulang na si Lawrence Itew habang nasa ilog sa Barangay Santa Maria, Kalamansig.

Nanawagan naman ang provincial disaster office ng Sultan Kudarat sa mga residente ng Lebak at Kalamansig na maging alerto at lumikas agad kung kinakailangan upang makaiwas sa trahedya dulot ng flash floods.