
Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na aabot sa 375 gasolinahan sa bansa ang nananatiling sarado dahil sa krisis sa langis na dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Ayon sa PNP, mula sa kabuuang 14,519 gas stations, 375 ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng suplay ng petrolyo hanggang Abril 2, 2026.
May ilan nang muling nagbukas matapos makapag-restock, ngunit patuloy pa ring nagbabantay ang PNP laban sa profiteering, hoarding, at iba pang ilegal na gawain.
Nasa siyam na kaso na ang naihain, habang may iba pang iniimbestigahan sa iba’t ibang rehiyon.
Naka-full alert status ang PNP mula pa noong Marso 31, kung saan mahigit 98,000 pulis ang naka-deploy para sa Semana Santa at summer vacation.
Sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang koordinasyon ng PNP sa Department of Energy at sa mga Municipal Price Coordinating Council upang matiyak ang sapat na suplay ng langis at maiwasan ang abala sa publiko.
Nagbabala rin siya sa mga negosyante na sumunod sa batas at iwasan ang hoarding at overpricing ng fuel, dahil may kaakibat itong pananagutan.
Hinikayat din ang publiko na i-report ang anumang ilegal o unethical na gawain kaugnay ng suplay at presyo ng langis sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya, sa 911 hotline, o sa opisyal na linya ng PNP.
Sa kasalukuyan, nararanasan ng bansa ang pagtaas ng presyo ng langis at kakulangan sa suplay, na direktang epekto ng lumalalang sigalot sa Middle East.










