
Apat na katao ang nasugatan matapos masunog ang isang gusali sa kilalang Palm Jumeirah sa Dubai nitong Sabado ng gabi matapos bumagsak ang mga debris mula sa na-intercept na missiles, ayon sa mga awtoridad.
Nangyari ang insidente kasabay ng serye ng retaliatory missile attacks ng Iran sa mga bansa sa Gulf bilang tugon sa kamakailang pag-atake ng United States at Israel sa teritoryo ng Iran.
Ayon sa Dubai Media Office, agad rumesponde ang mga emergency crew makaraang makatanggap ng ulat hinggil sa pagsabog at sunog sa isang gusali sa artipisyal na isla. Kinumpirma ng Dubai Civil Defence na naapula na ang apoy at dinala sa mga pagamutan ang apat na sugatan.
Nilinaw ng mga opisyal na walang kumpirmasyon na direktang tinamaan ng missile ang gusali. Sa halip, inintercept ng air defense system ng United Arab Emirates ang mga paparating na banta sa himpapawid sa karatig-dagat, at ang mga pira-pirasong debris ang bumagsak sa isla at nagdulot ng sunog.
Makikita sa mga kumalat na video online ang makapal na usok at narinig ang malalakas na pagsabog, bagay na nagdulot ng pangamba sa mga residente at turista sa lungsod.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng publiko at hinikayat ang lahat na umasa lamang sa beripikado at opisyal na impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










