
Humigit-kumulang 40 bansa ang nagsimula ng pag-uusap para muling buksan ang Strait of Hormuz matapos itong ma-blockade ng Iran, ayon sa Britain. Ayon kay British Foreign Minister Yvette Cooper, ang aksyon ng Iran ay nakakaapekto sa pandaigdigang seguridad at ekonomiya.
Hindi dumalo ang Estados Unidos sa pulong, na isinagawa online at pinangunahan ng Britain kasama ang France, Germany, Canada, UAE, at India. Ang pangunahing layunin ng pag-uusap ay malaman kung aling mga bansa ang handang lumahok sa pagbabantay sa daungan at kung paano mapapanatili ang kumpiyansa ng mga nagmamay-ari ng barko upang makapagbiyahe muli.
Ipinahayag ng France na ang anumang hakbang para buksan ang Strait ay multi-phased at hindi agad maisasagawa hangga’t may tensyon pa sa rehiyon. Kasama sa plano ang koordinasyon ng militar, intelligence, at seguridad para sa mga barko.
Matatandaang isinara ng Iran ang pangunahing ruta ng langis bilang tugon sa mga pag-atake ng U.S. at Israel noong Pebrero, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya sa buong mundo.










