
Nagbabala ang Malacañang sa gasoline stations na nagpataw ng hindi resonableng presyo ng mga produktong petrolyo na posible silang mapatawan ng sanctions kasabay ng ginagawang monitoring sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na binigyan ng Department of Energy (DOE) ng show-cause order sa 54 gas stations para matukoy kung nilabag nila ang babala ng pamahalaan laban sa pagtataas sa presyo ng langis.
Ayon kay Castro, patuloy na magsasagawa ng monitoring ang pamahalaan sa sitwasyon at magpapatupad ng mahigpit na aksyon laban sa mga lalabag, kabilang ang posibleng pagkansela sa kanilang permits.
Sinabi niya na makikipag-ugnayan ang DOE sa gas stations, at iginiit na ang intervention ng pamahalaan ay para maiwasan ang pagmamanipula sa presyo habang isinusulong ang kanilang fair business practices.
Binigyang-diin ni Castro ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagkakaisa at kooperasyon sa gitna ng krisis.










