Limang daan at animnapung pamilya mula Cagayan ang pormal nang nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Regional Director Lucia Suyo Alan, ang mga nagtapos na pamilya ay patunay sa positibong epekto ng 4Ps sa kanilang buhay, sa kabila ng mga kritisismo na natatanggap ng programa.

Sa mga nagtapos, mayroong 337 college graduates kung saan 30 ang Latin honor awardees at 66 board passers, na bunga ng tiyaga ng kanilang mga magulang.

Upang masiguro ang tuloy-tuloy na suporta sa mga nagtapos, isinagawa ang turnover ng mga benepisaryo sa mga lokal na pamahalaan.

Dagdag pa rito, itinaas ng Provincial Ordinance ang financial assistance para sa mga 4Ps beneficiaries mula sa dating P750 patungo sa P1,000.

-- ADVERTISEMENT --

Ikinagagalak rin ng DSWD ang pakikiisa ng ibang ahensya at pribadong sektor sa pagbibigay trabaho.

Tampok sa seremonya ang nakakaantig na kwento ni Joanne Menor, isang benepisyaryo ng 4Ps, na sa tulong ng programa ay nakabangon sa kahirapan at napagtapos ang kanyang mga anak na ngayon ay mga propesyonal.

Nanawagan ang DSWD at ang pamahalaang panlalawigan sa mga pamilya na gamitin ang kanilang mga natutunan bilang inspirasyon upang matulungan ang iba pang benepisyaryo ng programa.