TUGUEGARAO CITY-Duguan at wala ng buhay ang isang batang lalaki nang madatnan ng kanyang lolo sa loob ng kanilang bahay matapos aksidenteng mabaril ng kanyang kalaro sa Tuguegarao City.
Sa naging panayam kay P/Lt. Isabelita Gano ng PNP-Tuguegarao, inakalang laruan lamang ng 12-anyos na suspek ang shotgun na nakalagay sa likod ng aircon kung kaya’t kanya itong kinuha at nilaro.
Ayon kay Gano habang kumakain ang suspek at 8-anyos na biktima kasama ang isa pang anim na taong gulang na bata, na kapatid ng biktima,residente ng Brgy. San gabriel, pinukpok umano ng suspek ang baril sa semento na sanhi ng pagputok ng baril.
Dahil dito, tinamaan ang walong taong gulang na bata sakanyang ulo na sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Nailayo naman sa aksidente ang kapatid ng biktima ng biglang yumuko dahil nahulog ang kanyang pera kung kayat hindi ito tinamaan nang pumutok ang baril.
Dahil sa takot ng dalawa nang makitang duguan na ang kanilang kasamang bata, itinabi ng suspek ang baril sa batang biktima at nagkulong na sa kanilang kwarto.
Nabatid na namasyal lamang ang suspek sa bahay ng biktima para makipaglaro kung saan silang tatlo lamang ang naiwan sa bahay dahil lumabas ang lolo at tatay ng biktima na kanilang kasama sa loob ng kanilang tahanan dahil natatrabaho naman sa ibang bansa ang kanilang nanay.
Sa ngayon, inaalam pa ng pulisya kung kanino nakapangalan ang baril na ginamit habang nakatakda namang dalhin sa department of social welfare and development ang suspek para sa counseling.