Nakakaranas ngayon ng power supply crisis sa Calayan, Cagayan dahil sa limitadong suplay ng diesel na ginagamit para makasuplay ng kuryente sa nasabing isla.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Mayor Joseph Llopis na simula ngayong araw ng Martes, December 20 ay nasa walong oras kada araw ang mararanasang brown-out at nakadepende pa sa pagdeliver ng diesel ang pagbabalik sa normal na operasyon ng planta.

Sinabi ng alkalde na nilimitahan sa 4AM hanggang 8PM ang operasyon ng planta mula sa 24-hours nitong operasyon dahil nasa anim na araw na lamang ang kanilang stock ng diesel at hindi pa dumarating ang bagong delivery ng stock mula sa National Power Corporation.

Sa pagbabawas ng operating hours sa planta na kumukonsumo ng 1,000 liters ng diesel kada araw ay maaaring maiabot ang fuel stock ng hanggang sampung araw.

Dagdag pa ng alkalde na sa kabila ng pakikipag-ugnayan ng Lokal na Pamahalaan sa NAPOCOR kaugnay sa pagkakaroon ng isang buwang buffer stock ng fuel para sa diesel operated generator ay nananatiling walang tugon dito ang ahensiya.

-- ADVERTISEMENT --

Taun-taon din na ganito ang problema sa isla lalo na tuwing Nobyembre at Disyembre kung kailan maalon ang sitwasyon sa dagat subalit nagtuturuan lamang ang power distributor at NAPOCOR kaugnay sa delayed deliveries ng mga fuel at sa buffer stock.

Tanging magagawa lamang aniya ng LGU ay kausapin ang NAPOCOR kaugnay sa isyu at ang pagtulong sa manpower sa pagpapatakbo sa planta, maging sa logistics o transportasyon sa suplay ng petrolyo.