
Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagpasok ng Chinese maritime militia vessel at 22 bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Kota Island sa Palawan noong Oktubre 9.
Ayon sa NTF-WPS, nagsagawa umano ng ilegal na pangingisda at pagtatapon ng basura sa dagat ang mga Chinese vessel.
May isa ring bangkang naiulat na nakalapit hanggang 250 metro mula sa dalampasigan ng isla.
Rumesponde ang Philippine Coast Guard, kasama ang Philippine Marine Corps at Philippine Navy, upang tugunan ang insidente.
Gayunman, ayon sa task force, pinalibutan umano ng Chinese vessel ang mga barko ng Pilipinas.
Iginiit ng NTF-WPS na sakop ng soberanya ng Pilipinas ang karagatang nakapaligid sa Kota Island, na bahagi ng Kalayaan, Palawan.
Umalis din ang lahat ng Chinese vessel matapos ang koordinadong pagresponde ng mga awtoridad.
Ayon pa sa task force, ang insidente ay kinasasangkutan ng parehong Chinese militia vessel na namataan malapit sa isla noong Setyembre 28.
Nangako itong patuloy na susuportahan ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagprotekta sa teritoryo at karapatang pandagat ng bansa.










