Pinaiigting ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagtutulungan upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Kasunod ito ng imbestigasyon sa 521-kilong kargamento ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon, na nasabat sa Laos habang patungo umano sa Pilipinas.

Sa isang press briefing sa Malacañang, ibinahagi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang pagkakakilanlan ng ilang personalidad na umano’y may kaugnayan sa operasyon.

Naglabas din ang DILG ng link chart na nagpapakita ng umano’y ugnayan ng 11 persons of interest, mula sa pagbili ng pribadong eroplano hanggang sa tangkang pagpapadala ng droga sa bansa.

Ayon naman kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nasa kustodiya na ng pulisya ang isa sa mga persons of interest habang patuloy na minomonitor ang iba pa.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, wala pang nakabinbing kaso o warrant of arrest laban sa 11 personalidad, kaya hindi pa sila maaaring arestuhin batay sa kasalukuyang sitwasyon, ayon kay Nartatez.