
Maglalabas ng apat na labor advisory ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Nobyembre upang protektahan ang mga manggagawang Pilipino laban sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang flexible work arrangements at ang hindi sapilitang pagpapapasok sa mga empleyado kapag umabot sa 40°C ang heat index, na kabilang sa extreme caution level.
Tututukan din ng DOLE ang mga manggagawang madalas nakabilad sa matinding init, kabilang ang mga traffic enforcer, street sweeper, security guard at construction worker.
Kabilang sa mga panukalang hakbang ang pagpapahintulot sa mga security guard na sumilong kapag matindi ang init at pagpapahinga muna ng mga construction worker kapag mataas ang heat index.
Layunin ng mga advisory na maglatag ng mga gabay para mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa sa harap ng inaasahang mas mataas na temperatura at mas kaunting pag-ulan dulot ng El Niño.










