
Bahagya pang lumakas ang Super Typhoon #RosalPH habang patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran sa karagatang silangan ng Northern Luzon.
Sa 11 AM bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 845 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 215 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 265 kilometers per hour.
Kumikilos ang bagyo pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour.
Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, habang Signal No. 1 naman sa Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, silangang bahagi ng Isabela, Ilocos Norte, Apayao at hilagang-silangang bahagi ng Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, inaasahang pinakamalapit ang Super Typhoon Rosal sa Extreme Northern Luzon mula Huwebes, October 22, hanggang Biyernes ng hapon, October 23, habang posible pang itaas sa Signal No. 3 ang pinakamataas na babala sa ilang lugar.
Bagama’t nasa pinakamataas na lakas na umano ngayon ang bagyo, inaasahang magsisimula itong humina ngayong hapon o gabi, hanggang maging typhoon sa Huwebes at severe tropical storm sa Linggo.
Posible namang lumabas ang Rosal sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes ng gabi o madaling-araw ng Sabado, October 24.
Nagbabala rin ang PAGASA sa malalakas na pagbugso ng hangin at pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas, kabilang ang mga lugar na wala sa direktang dadaanan ng bagyo.
Samantala, maaaring umabot sa siyam na metro ang taas ng alon sa ilang baybayin ng Batanes at Babuyan Islands, kaya pinapayuhan ang lahat ng sasakyang pandagat na manatili muna sa pantalan o humanap ng ligtas na masisilungan.
Pinapayuhan din ang mga residente sa mga lugar na nanganganib sa pagbaha, pagguho ng lupa at malalakas na hangin na sumunod sa mga abiso at posibleng evacuation order ng lokal na pamahalaan.










