Sinuspinde nang anim na buwan ng Office of the Ombudsman si Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary for E-Government David Almirol Jr. dahil sa umano’y conflict of interest kaugnay ng mga kontrata ng ahensya na nagkakahalaga ng ₱1.55 bilyon.

Batay sa imbestigasyon, walong kontrata para sa mga serbisyong may kaugnayan sa e-government ang iginawad ng DICT sa ilang kumpanyang may ugnayang pinansyal sa Multisys Technologies Corporation, na itinatag ni Almirol noong 2010.

Saklaw ng mga kontrata mula Nobyembre 2023 hanggang Mayo 2025 ang information technology consultancy, e-government application deployment, cloud infrastructure, data center services at software subscriptions.

Ayon sa Ombudsman, ipinakita rin ng mga rekord na nanatiling stockholder si Almirol ng Multisys matapos siyang italaga sa DICT noong Agosto 2022, at naalis lamang ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga stockholder noong Nobyembre ng nasabing taon.

Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni Almirol ang grave misconduct, conduct prejudicial to the best interest of the service at umano’y paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa Ombudsman, layunin ng preventive suspension na hindi maapektuhan ang imbestigasyon habang nagpapatuloy ang pagdinig sa mga kasong administratibo.