
Mariing pinabulaanan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang mga kumakalat na ulat at espekulasyon na siya ay nagbitiw na sa kanyang puwesto.
Ayon kay Aguda, pawang maling impormasyon lamang ang mga naturang balita at bahagi umano ng patuloy na pagkalat ng disinformation at fake news.
Binigyang-diin niya na nananatiling matatag ang DICT sa kampanya nito laban sa maling impormasyon, at ang naturang isyu ay isa lamang halimbawa kung paano ginagamit ang mga maling naratibo upang maghasik ng kalituhan at pahinain ang tiwala ng publiko.
Sinabi rin ni Aguda na hindi nakapagtataka ang ganitong mga pag-atake lalo na sa gitna ng mga tagumpay ng ahensya sa pagsusulong ng digital transformation programs na direktang nakikinabang ang mga Pilipino.
Nilinaw ng kalihim na patuloy siyang nagsisilbi sa administrasyon sa ilalim ng tiwala ng Pangulo, tulad ng ibang miyembro ng Gabinete.
Tiniyak din niya na nananatiling nakatuon ang DICT sa pagpapalawak ng connectivity, pagpapabilis ng digital transformation, at pagpapatupad ng mga programang magbibigay ng mas inklusibo at makabuluhang benepisyo sa publiko.
Kung maaalala, may mga lumabas nang reports hinggil sa kaniyang resignation.
Naging matunog din ang pangalan ni dating presidential spokesman Edwin Lacierda na papalit ‘di umano sa DICT.
Mababatid na nagsilbing presidential spokesperson ng Aquino adminstration si Lacierda.
Matapos nito ay pinasok niya ang private sector, partikular na sa fintech industry.
Naging bahagi rin ito ng YCombinator na kilalang isang startup accelerator at naging daan para sa pag-usbong ng ilang mga tech giants sa ngayon.










