
Magbabawas ng tinatayang 5,000 trabaho ang British banking giant na Barclays pagsapit ng katapusan ng 2026 bilang bahagi ng hakbang nitong mapahusay ang operasyon sa pamamagitan ng artificial intelligence o AI.
Katumbas ito ng humigit-kumulang limang porsiyento ng kabuuang global workforce ng bangko.
Ayon sa Barclays, nasa 60 porsiyento ng mga tatanggalin sa trabaho ay mula sa support functions, kabilang ang mga developer, dahil inaasahang mapapataas ng AI ang produktibidad ng mga empleyado.
Inanunsyo ang pagbabawas ng trabaho kasabay ng ulat na lumago ng 13 porsiyento ang net profit ng bangko sa ikatlong quarter, na umabot sa £1.65 bilyon mula sa £1.46 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, tumaas ng 47 porsiyento ang kita nito mula sa equities trading, habang umakyat naman ng tatlong porsiyento ang kabuuang kita ng grupo sa £7.37 bilyon.










