Kinumpirma ng abogado ng beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. na si Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang nagreklamo sa cyber libel case na naging dahilan ng pag-aresto sa journalist.

Ayon kay Atty. Dino De Leon, nakasaad ang pangalan ni Carpio bilang complainant sa kopya ng impormasyong inihain sa Davao City Regional Trial Court.

Kaugnay ang kaso sa isang Facebook post na umano’y inilathala ni Lustre noong Marso 6, kung saan iniuugnay si Carpio sa 18 dating umano’y bagman ni dating kongresista Zaldy Co na nagsabing naghatid sila ng mga kickback sa ilang opisyal ng pamahalaan. Ayon sa reklamo, pinondohan umano ni Carpio ang operasyon ng mga naturang indibidwal.

Inaresto si Lustre, 72-anyos, noong Oktubre 24 matapos dumalo sa isang media forum sa Quezon City. Pinalaya rin siya sa pamamagitan ng ₱48,000 piyansa sa araw ding iyon.

Kinuwestiyon naman ni De Leon ang proseso ng pag-aresto, kabilang ang umano’y maling address na ginamit sa kaso na maaaring naging dahilan upang hindi makatanggap ng abiso si Lustre at hindi makapagsumite ng counter-affidavit sa preliminary investigation.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, plano ng kampo ni Lustre na hilingin sa Department of Justice na imbestigahan ang posibleng mga iregularidad sa pag-aresto. Nais din ng kaniyang abogado na mailipat ang venue ng paglilitis dahil sa pangamba sa seguridad.

Nanawagan din si De Leon na alisin ang kriminal na pananagutan sa libel, dahil aniya, maaari itong magkaroon ng chilling effect sa malayang pamamahayag at pagpapahayag.